Limang Elemento

Limang elemento ng ating kwento
Limang elemento kung bakit wala na ang tayo

Unang elemento, ang apoy
Bago mo ako iwan, alam kong pag-iibigan natin ay nagliliyab
Pero sa paglipas ng mga araw, mga hinanakit mo ay iyong nilalantad
Hindi ‘yon ang kailangan kong dahilan para lumaban
Ang kailangan ko ay yung taong kahit napapaso ay hindi ako susukuan
Ang kailangan ko ay yung maghahanap ng panggatong ng walang kapaguran
‘Wag lang mamatay ang baga ng aming pagmamahalan

Ang pumatay sa apoy, ang hangin
Na sa tuwing magkasama tayo, lumalakas ang ihip
Sa tuwing magkasama tayo, nararamdaman ko ang iyong pagkainip
Kaya kahit ayaw mo, niyayakap kita ng mahigpit
Para hindi mo maramdaman ang lamig
Kasi ayaw kong makita na ang dating kilig ay mapalitan ng nginig
Kaya sana ngayon alam mo na kung bakit
Kahit naiilang ka, sa iyong mata, patuloy akong tumititig
Kasi ayaw kong tulad ng hangin na umiihip, sa dulo, ikaw ay sumilip

Ang tinutulak ng hangin, ang tubig
Sa gitna ng karagatan, pilit akong lumalangoy para sagipin ka
Pero may dumating na may dalang bangka
At ang tanong ko, bakit sumakay ka
Sa malalim at malamig na tubig, iniwan mo akong mag-isang lumalangoy
Iniwan mo akong magisang lumalangoy sa gitna ng karagatan
Parang sa relasyon nating dalawa, iniwan mo akong lumalaban

Sa ilalim ng tubig, ang lupa
Katulad ng batang nakayapak habang naglalaro sa lupa
‘Di nakaiwas ang relasyon natin sa pagkadapa
Sana lang napansin mo na palaging ako ang unang tumatayo
Kasi sa mga tuyong dahon, gusto kita ilayo
Baka kasi pati relasyon natin, hayaan mong matuyo

At ang huli ngunit pinakamahalagang elemento, ang liwanag
Katulad ng araw na lumulubog sa pagdating ng alas-sais
Sana binigyan mo ako ng paliwanag kung bakit ka umalis
Lumulubog ang araw para makahinga ang buwan
Pero magkaiba kayo dahil iniwan mo lang naman ako para saktan
At sana lang bago ka umalis, nag-iwan ka ng magandang liwanag
Dahil pagkatapos mo ako iwan, pagkatapos mo ako saktan
Sa dilim, lumalala na ang aking kaduwagan

Digital Art by Jsonn Chameleon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *