R Boyz

Namimintog ang buwan sa laki
kinikilala ang mga nakabilog na anino.

Tuliro na ang bote nang sa akin ay tumapat
matapos hiluhin ng kamay sa dikta na para bang roleta.

“Jomar, ikaw naman.”

Matagal ko nang pangarap ang makarating sa langit
baka sakaling doon matagpuan si mama o kahit si bunso.

Iniabot sa akin ang supot na naglalaman ng susi
patungong kaharian sa itaas.

Pigil hininga pa noong una sa pag-angkin ng kinulob na hangin
ramdam ko ang dahan-dahan pagkalusaw ng diwa.

Ramdam ko rin ang pagpanaw ng mga paa sa lupa,
ito na, may mga pakpak na ako.

“Mama, makikita na kita.”

Bago pa man ako makalipad, pinigilan ng mga ulyaw
ang aking pakpak.

“Kayo na naman!
“Hindi ba kayo titigil sa ginagawa niyo!”

Mga sigaw na pinalitan ng mga putok.
Bang.

Hindi makagalaw ang gupo kong katawan.
Bang.

Dalawa pa ang bumagsak at tinabihan ako sa paghiga.
Bang.

Pulang ilaw, pulang ilaw.
Bang.

Nakahandusay silang umakyat sa langit
habang naiwan akong nakahiga pa rin sa lupa.

Humihinga pa,
alam kong wala ako sa langit.

“Buhay pa ‘tong isa,” narinig ko ang usal
“Tuluyan mo na,” sagot ng malabong mukha

“Mama, makikita na rin kita.”

Bang.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *